Sunday, January 23, 2011

Kaibigan...

Minsan nabanggit sa akin ng isang kaibigan na masarap daw ang mag-lakbay. Kung minsan ay masaya ang iyong nagiging karanasan. Kung minsan naman ay malungkot ang iyong napapadpad na kapalaran – ‘yung tipong kaletse-letse, at kung maari lang ay sukdulan mo nang isumpa at kalimutan.

May mga tao kang nakikilala na talagang hihipo sa puso mo, at magtatanim ng magagandang ala-ala. Meron din naming mga taong makikilala ka na ang gusto lang ay hipuan ka. Meron din naming makikilala ka na pagnanasahan mong talaga – at kahit isang hipo lang ay masaya ka na. Pagkatapos nuon ay wala na. At tutuloy na kayo sa kanya-kanya ninyong lakbayin.

Pero may mga tao ka ring makikilala na didikit sa iyong bigla. Tapos nuon ay hindi ka na makakawala kahit ano pa ang gawin mo. Pupunuin nila ang isip mo, ang ala-ala mo, ang mga alalahanin mo sa bawat oras na gising ka, hanggang sa malaman mo na lang sa sarili mo na lahat ng lugar na inyong pinuntahan, ang lahat ng pagkain na inyong pinagsaluhan, at ang mga bagay na inyong pinag-usapan – lalo na ‘yung mga inyong iniyakan ng sabay – ay may mas malalim na pakahuliugan sa pagkatao mo.

Matagal bago ka makakawala sa pagkakadikit sa taong ganito. Para bang pinag-isa ang inyong saloobin. Ang inyong pagkatao. At sa pakiwari mo ay hindi ka magiging buo kung wala siya.

Sabi sa Talmud ng mga Hudyo, “Pagsumikapan mo na ikaw ay magkaroon ng isang tapat na kaibigan…” (Mishnah Avot 1:6).

Ang isang tunay na kaibigan ay handog sa atin ng langit, dahil siya ang magsisilbing ilaw ng pag-asa kapag ikaw ay nasa dilim.


ANG TUNAY AT TAPAT NA KAIBIGAN
(isinalin ko sa Pilipino mula sa isang saling Ingles)

May dalawang malapit na magkaibigan na pinaghiwalay ng digmaan, kaya’t sila ay nanirahan sa dalawang magka-away na kaharian. Isang araw ay minabuti ng isa sa kanila na bisitahin ang kanyang kaibigan, at dahil ito ay nakatira sa kalabang kaharian, agad siyang itinuring na kaaway ng baying iyon sa sandaling tumapak siya duon. Ipinadakip siya ng hari at agad ipinakulong. ‘Di naglaon ay siya ay hinatulang mamatay sa salang pag-iispiya.

Nagmaka-awa ang lalaki subalit hindi siya pinakingan ng hari, kaya’t minabuti niyang humingi ng pabor.

“Kamahalan,” ika niya, “gayung ako’y mamamatay na, tulutan po sana ninyo na ako’y sandaling maka-uwi sa aming bayan sa loob ng isang buwan upang maisa-ayos ko ang mga bagay-bagay sa aking tahanan, upang hindi naman maiiwan ang aking pamilya nang nagdadalamhati at walang ano mang tulong. Ipinapangako ko po na muli akong babalik matapos ang isang buwan upang mamatay sa inyong sariling kamay.”

“Sa tingin mo ba’y ganuon ako kadaling linlangin?” ang sagot ng hari. “Paano ako makakatiyak na ikaw nga ay babalik?”

“Ipinapangako ko ito sa aking kaibigan na naninirahan dito sa inyong nasasakupan,” ang agad na sinabi ng lalaki. “Kung ako man ay hindi magbalik, maari ninyong singilin sa pamamagitan ng kanyang buhay ang aking pagkakasala.”

Ipinatawag ng hari ang kaibigan ng lalaki, at sa kanyang pagkamangha ay agad namang sumang-ayon ang kaibigan sa tinuran nito.

Lumipas ng mabilis ng isang buwan, at nasa huling araw na nga ito. Halos palubog na ang araw, subalit hindi pa rin nagbabalik ang lalaki. Iniutos ng hari na agad patayin ang kaibigan nito, tulad ng kanilang napagkasunduan. At nang naka-umang na ang palakol na pupugot sa ulo ng kanyang kaibigan, biglang dumating ang lalaki, humahangos, at itinulak papalayo ang kanyang kaibigan upang iumang ang kanyang sariling leeg.

Pinigilan naman siya ng kanyang kaibigan. “Bayaan mong mamatay ako para sa ‘yo,” ang paki-usap nito.

Lubos na nadurog ang matigas na puso nghari. Iniutos niyang itigil ang pagpatay, at kapwa niya pinakawalan ang mag-kaibigan.

“Tunay na dakila at tapat ang pag-ibig na namamagitan sa inyong mag-kaibigan,” ang sabi niya, “kung mamarapatin ninyo ay nais ko rin na kayo ay aking maging mga kaibigan.”

Magmula nuon, silang tatlo ay naging matapat na magkakaibigan.

Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang binitawan ng ating mga ikinararangal na mga pantas nuong unang panahon pa, “Pagsumikapan mo ang magkaroon ng isang tapat kaibigan na magiging katuwang mo sa buhay.” [Mishnah Avot 1:6]