Wednesday, August 18, 2010

PINOY


Sa isang pag-aaral daw na isinagawa sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), napatunayan na napakabilis daw na mag-adapt ang isang Pilipino sa mga batas at kultura ng bansang kanilang pinupuntahan para mangamuhan.

Napakabilis daw para sa kanila ang makibagay at sumunod sa mga batas. Sabi pa sa lathalain, alam daw kasi ng mga Pilipinong ito na kapag hindi sila sumunod sa batas, maari silang dakpin at pauwiin.

Bakit kaya inilathala ito ng pinutakteng gumawa ng pag-aaral? Bakit? Hindi ba marunong ang mga Pilipinong sumunod sa batas kahit pa nasa Pilipinas sila?

O baka naman talagang mas takot lang ang mga Pilipino sa mga dayuhan, at hindi sa kapwa Pilipino?

Ganuon ba talaga ka-primitibo tayong mga Pilipino?

READ THIS BLOG IN FILIPINO

Monday, August 9, 2010

K A B A O N G


Inaamin ko. Takot akong mamatay.

Ilang beses na kasi akong nanaginip na nagigising ako sa loob ng kabaong, at naririnig ko na ibinababa na nila ako sa hukay.

Alam ko, walang katuturan ang katakutan ang ganitong panaginip dahil sa panahon ngayon, ini-imbalsamo na ang mga namatay bago pa sila ilibing sa hukay.

Eh papaano kung magising ako sa kalagitnaan ng pagta-tanggal ng imbalsamador sa mga lamang loob ko?

Kamatayan marahil ang tunay na bentahe ng mga relihiyon, hindi ba? Takot na takot kasi ang tao sa kamatayan.

SA TOTOO LANG! O_o

Kinatatakutan natin ang kamatayan kasi wala pa talagang bumabalik mula sa hukay na hindi mukhang nakakatakot, para sabihin sa atin na maganda nga duon sa kabila, at may paraiso nga tayong dadatnan.

Taon-taon eh ipinagdiriwang natin ang araw ng mga patay. At para hindi natin lubos na katakutan ang mga namayapa na nating mga mahal sa buhay, ginagawa natin itong isang masayang pagdiriwang.

Sa Estados Unidos nga, namimigay pa sila ng mga matatamis para hikayatin ang mga bata na huwag katakutan ang mga engkanto at lamang lupa, na siyang pinag mulan ng mga disenyo ng mga maskara na suot nila.

Pero kapag sumagi na sa kwentuhan ang mga multo, nagkakatakutan na.

Nangangain daw kasi ng bata ang multo.

Alam nating hindi tutuo 'yun. Takot lang talaga tayo sa kamatayan, kasi wala tayong kasiguruhan kung ano nga ang naroron at naghihintay para sa atin sa kabilang buhay.

Kung... meron nga'ng kabilang buhay.

Kung wala, sayang naman. Eh di sana ginawa na natin lahat ng mga makakapag-pasaya sa atin dito sa buhay na ito. 'Yung tunay na masarap pa naman eh iyung ipinagbabawal.

Eh kung meron nga, eh di sana nakinig na lang tayo sa mga nagtuturo sa atin ng kabutihan at pananampalataya.

Siguro, duon nga takot ang karamihan.

Basta ako, ayoko lang malibing ng buhay. bad trip kaya ang mawalan ng hininga habang nasa masikip at madilim na kabaong ka.

READ THIS BLOG IN ENGLISH

Sunday, August 8, 2010

P A R I S U K A T


Ang payo nuon ng aking nakatatandang kaibigan, kung nais ko raw ng isang matiwasay, masagana at makabuluhang pamumuhay, dapat daw ay matutunan ko munang manahan sa isang mundo na walang hangganan o bakuran.

Isang mundo na hindi pa dinudungisan ng pagmamataas ng tao dulot ng mga maling pamahiin, huwad na relihyon, mapaghangad na ediolohiya, o pilosopiya.

Isa siyang agnostic.

Naniniwala naman ako na isa akong well adjusted na Kristiyano, at walang dahilan para kwestiyunin ko ang aking pinaniniwalaan ng mga panahon na iyon. Magkagayun pa man, tunay niya akong napahanga sa iginuhit niyang utopia sa aking murang isipan. Kahawig na kahawig nga nito ang pagsasalarawan ng aking Sunday School Teacher sa langit naming inaasam-asam.

Isang mundo na kung saan ay napawi na ang hapdi ng kamatayan. Kung saan ay napalitan na ng mga matatamis na ngiti ang bawat luhang dala ng himagsikan, sakit, at... marami pa.

"Ang impiyerno ay isang katutuhanan na nililikha mismo natin," ang dagdag pa niya.

Makalipas ang ilang linggo, siya mismo ang naghatid sa akin sa impiyerno.

Nuon ko natutunan na mahirap palang mamuhay sa isang mundo na walang bakuran. Maari kang mapahamak kapag hindi ka gumawa ng paraan para proteksiyunan ang iyong sarili.


READ THIS BLOG IN ENGLISH