Sunday, October 2, 2011

Tunay na tagumpay


Sa wikang Latin: Ad astra per aspera; ad augusta per angusta
Sa wikang Ingles: To the stars through difficult trials; to high places through narrow roads
Sa wikang Tagalog: Sa kabila ng pagpapagal ay ang matayog na tagumpay; ang kapalit ng daang matuwid ay katanyagang tunay

Karunungan: Matamis ang tagumpay kung ito ay nakuha mo sa patas na labanan. Walang mas saarap pa sa katotohanan na ano mang maabot mong premyo ay bunga ng iyong matapat na pakikihamok at pagpupunyagi. Gayundin naman kapait ang katotohanan kung ang iyong pagkapanalo ay naisagawa mo lamang sa pamamagitan ng panlalansi o pandaraya; kung ang yaman mong tinatamasa ay nagbuhat sa iyong pagnanakaw; kung ang iyong tinatamasang katanyagan ay bunga lamang ng kasinungalingan at panlilinlang. Ang dulot nito ay galit mula sa mga tao na niyurakan mo ang karapatan, katapatan at pagsusumikap. Gayundin naman ang pag-alipusta ng mga taong namumuhi sa kawalan mo ng prinsipyo sa buhay.

Pakatandaan: Mas makabubuti sa iyo kung ang araw mo ay magtatapos ng malinis ang iyong konsiyensiya. Mas masarap ang magiging pagtulog mo, at walang ano mang bangungot ang sa iyo ay gagambala.

Leksyon: Kung ikaw ay matatalo sa isang patas na labanan, tanggapin mo ang iyong pagkatalo ng may dignidad. Kung ikaw naman ay mananalo sa pamamagitan ng pandaraya, magiging alipin ka lamang ng katahimikan tungkol sa tunay na nangyari, at gayundin ay ang pagka-alipin mo sa walang habay na pagsisinungaling upang pagtakpan ang tunay na mga pangyayari.

Saturday, October 1, 2011

DUMB ASSES


Sa wikang Latin: Asinus asinum fricat
Sa wikang Ingles: The ass rubs the ass
Sa Wikang Tagalog: Ang asno ay kinakamot ang kapwa n’ya asno

Karunungan: Sa wikang Ingles, ang salitang “ass” (asno) ay ginagamit din na isang metaphor (salitang naglalarawan ng ibang pakahulugan) para sa butas ng pwet (anus, or asshole.) Ang salawikain sa taas ay nagpapakahulugan sa mga tao na mahilig mambola ng kapwa nila bolero para lamang maka-angat sila sa iba. Ang tawag sa mga ganitong animal ay mga mahilig “sumipsip.” Pwede ring mga mahilig “tsumupa” nang wala sa lugar.

Palagiang Tatandaan: Kapag nakagawian mo nang mang-dutdut ng butas ng pwet ng iba, hindi magtatagal at mangangamoy butas ng pwet ang iyong daliri. Kapag nakagawian mo naman ang humalik at dumila sap wet ng may pwet, ay talaga namang… wala ka na sa hulog, drens!

Leksyon: Lagi mong panatilihin ang iyong integridad at dignidad. Ugaliing gawin ang nararapat nang tama at sapat, upang walang magsasabi na hindi ka karapatdapat sa iyong pag-angat.

Friday, August 12, 2011

HAY, NAKU!!!

Mas madalas kesa hindi, ang buhay eh WALA SA HULOG, ‘di ba? Hindi sa lahat ng oras eh maganda ang itinatakbo ng mga bagay-bagay. Mas madalas nga eh ang sama-sama-samaaah!

Nand’yan ‘yung mga bayarin, ‘yung mga kapit-bahay kaibigan at mga kamag-anak na dapat mong pakisamahan para matahimik ka lang. Sa dami ng nangyayari sa buhay, madalas ang pakiramdam eh parang nakakalunod na.

Lahat ng tao sa mundo, alam ‘yan. Pinagdadaanan nating lahat ‘yan. Kahit nga si Spiderman, alam din ‘yan.

Kahit nga si San Pablo, inamin n’ya na talagang mas madalas eh nakaka-sira ng ulo ang buhay.

Inaamin nga ni San Pablo na mas madalas, kapag talagang sobra na ang nararanasan n’ya sa buhay, may mga nakagawa rin siya ng mga bagay na hindi mo aakalain na magagawa niya bilang isang banal na lingcod ng Diyos. Ang sabi pa nga niya, “Hindi ko maintindihan ang aking sarili, lalo pa ang mga ginagawa ko kung minsan. Madalas kasi, ‘yung mga bagay na gusting-gusto kong gawin eh hindi ko magawa-gawa, at ‘yun namang mga gawaing talagang ayaw ko nang gawin sana eh paulit-ulit ko namang nagagawa… Talagang gusto kong gawin ang kung ano ang tama, pero talagang mahirap iton gawin. At ‘yung ayaw ko na sanang gawin pa, ‘yun ang mas amdalas kong nagagawa.” (Romans 7:15, 18-19)

Gan’un naman talaga. Kaya simula ngayon, tatantanan ko na ‘yung dati kong ginagawa na pagpupumilit na magmukhang masaya at tagumpay sa lahat ng oras dahiul lamang sa isa akong Cristianong mananampalataya. Kasi, talaga naming napakahirap magpuri sa Diyos kapag nakadapa ka at kumakain ng alikabok.

Ganu’n pa man! Panghahawakan ko pa rin ito – na kahit totoong napakahirap ng buhay at mas madalas na nagdadala ito ng inis at lungkot, hindi naman sa lahat ng oras ay nananatili itong gan’un. Dahil ako ay may PAG-ASAng pinanghahawakan, dahil ipinangako ng Diyos na “…Siya na nagsimula ng mabuting layunin sa iyong buhay ay magiging tapat hanggang sa maisakatuparan Niya ang layuning ito.” (Philippians 1:6)

O s’ya, sige, sa ngayon ang pakiramdam ko, walang ka-kwenta-kwenta ang araw na ito. Dispwes, hahayaan kong matapos nang gan’un ang napaka-walang-ka-kwenta-kwentang araw na ito. Dahil alam ko, umaasa ako, na pagtulog ko mamayang gabi ay matutulog ako ng mahimbing, dahil bukas, maaring hindi na ganito kasama ang magiging araw ko, at magbabago ang lahat para sa akin. Dahil bukas, ang araw na ito ay magiging isang masamang alaala na lamang.

Patuloy lang ang buhay! LABAN!!!

Sunday, January 23, 2011

Kaibigan...

Minsan nabanggit sa akin ng isang kaibigan na masarap daw ang mag-lakbay. Kung minsan ay masaya ang iyong nagiging karanasan. Kung minsan naman ay malungkot ang iyong napapadpad na kapalaran – ‘yung tipong kaletse-letse, at kung maari lang ay sukdulan mo nang isumpa at kalimutan.

May mga tao kang nakikilala na talagang hihipo sa puso mo, at magtatanim ng magagandang ala-ala. Meron din naming mga taong makikilala ka na ang gusto lang ay hipuan ka. Meron din naming makikilala ka na pagnanasahan mong talaga – at kahit isang hipo lang ay masaya ka na. Pagkatapos nuon ay wala na. At tutuloy na kayo sa kanya-kanya ninyong lakbayin.

Pero may mga tao ka ring makikilala na didikit sa iyong bigla. Tapos nuon ay hindi ka na makakawala kahit ano pa ang gawin mo. Pupunuin nila ang isip mo, ang ala-ala mo, ang mga alalahanin mo sa bawat oras na gising ka, hanggang sa malaman mo na lang sa sarili mo na lahat ng lugar na inyong pinuntahan, ang lahat ng pagkain na inyong pinagsaluhan, at ang mga bagay na inyong pinag-usapan – lalo na ‘yung mga inyong iniyakan ng sabay – ay may mas malalim na pakahuliugan sa pagkatao mo.

Matagal bago ka makakawala sa pagkakadikit sa taong ganito. Para bang pinag-isa ang inyong saloobin. Ang inyong pagkatao. At sa pakiwari mo ay hindi ka magiging buo kung wala siya.

Sabi sa Talmud ng mga Hudyo, “Pagsumikapan mo na ikaw ay magkaroon ng isang tapat na kaibigan…” (Mishnah Avot 1:6).

Ang isang tunay na kaibigan ay handog sa atin ng langit, dahil siya ang magsisilbing ilaw ng pag-asa kapag ikaw ay nasa dilim.


ANG TUNAY AT TAPAT NA KAIBIGAN
(isinalin ko sa Pilipino mula sa isang saling Ingles)

May dalawang malapit na magkaibigan na pinaghiwalay ng digmaan, kaya’t sila ay nanirahan sa dalawang magka-away na kaharian. Isang araw ay minabuti ng isa sa kanila na bisitahin ang kanyang kaibigan, at dahil ito ay nakatira sa kalabang kaharian, agad siyang itinuring na kaaway ng baying iyon sa sandaling tumapak siya duon. Ipinadakip siya ng hari at agad ipinakulong. ‘Di naglaon ay siya ay hinatulang mamatay sa salang pag-iispiya.

Nagmaka-awa ang lalaki subalit hindi siya pinakingan ng hari, kaya’t minabuti niyang humingi ng pabor.

“Kamahalan,” ika niya, “gayung ako’y mamamatay na, tulutan po sana ninyo na ako’y sandaling maka-uwi sa aming bayan sa loob ng isang buwan upang maisa-ayos ko ang mga bagay-bagay sa aking tahanan, upang hindi naman maiiwan ang aking pamilya nang nagdadalamhati at walang ano mang tulong. Ipinapangako ko po na muli akong babalik matapos ang isang buwan upang mamatay sa inyong sariling kamay.”

“Sa tingin mo ba’y ganuon ako kadaling linlangin?” ang sagot ng hari. “Paano ako makakatiyak na ikaw nga ay babalik?”

“Ipinapangako ko ito sa aking kaibigan na naninirahan dito sa inyong nasasakupan,” ang agad na sinabi ng lalaki. “Kung ako man ay hindi magbalik, maari ninyong singilin sa pamamagitan ng kanyang buhay ang aking pagkakasala.”

Ipinatawag ng hari ang kaibigan ng lalaki, at sa kanyang pagkamangha ay agad namang sumang-ayon ang kaibigan sa tinuran nito.

Lumipas ng mabilis ng isang buwan, at nasa huling araw na nga ito. Halos palubog na ang araw, subalit hindi pa rin nagbabalik ang lalaki. Iniutos ng hari na agad patayin ang kaibigan nito, tulad ng kanilang napagkasunduan. At nang naka-umang na ang palakol na pupugot sa ulo ng kanyang kaibigan, biglang dumating ang lalaki, humahangos, at itinulak papalayo ang kanyang kaibigan upang iumang ang kanyang sariling leeg.

Pinigilan naman siya ng kanyang kaibigan. “Bayaan mong mamatay ako para sa ‘yo,” ang paki-usap nito.

Lubos na nadurog ang matigas na puso nghari. Iniutos niyang itigil ang pagpatay, at kapwa niya pinakawalan ang mag-kaibigan.

“Tunay na dakila at tapat ang pag-ibig na namamagitan sa inyong mag-kaibigan,” ang sabi niya, “kung mamarapatin ninyo ay nais ko rin na kayo ay aking maging mga kaibigan.”

Magmula nuon, silang tatlo ay naging matapat na magkakaibigan.

Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang binitawan ng ating mga ikinararangal na mga pantas nuong unang panahon pa, “Pagsumikapan mo ang magkaroon ng isang tapat kaibigan na magiging katuwang mo sa buhay.” [Mishnah Avot 1:6]