Sunday, October 2, 2011
Tunay na tagumpay
Sa wikang Latin: Ad astra per aspera; ad augusta per angusta
Sa wikang Ingles: To the stars through difficult trials; to high places through narrow roads
Sa wikang Tagalog: Sa kabila ng pagpapagal ay ang matayog na tagumpay; ang kapalit ng daang matuwid ay katanyagang tunay
Karunungan: Matamis ang tagumpay kung ito ay nakuha mo sa patas na labanan. Walang mas saarap pa sa katotohanan na ano mang maabot mong premyo ay bunga ng iyong matapat na pakikihamok at pagpupunyagi. Gayundin naman kapait ang katotohanan kung ang iyong pagkapanalo ay naisagawa mo lamang sa pamamagitan ng panlalansi o pandaraya; kung ang yaman mong tinatamasa ay nagbuhat sa iyong pagnanakaw; kung ang iyong tinatamasang katanyagan ay bunga lamang ng kasinungalingan at panlilinlang. Ang dulot nito ay galit mula sa mga tao na niyurakan mo ang karapatan, katapatan at pagsusumikap. Gayundin naman ang pag-alipusta ng mga taong namumuhi sa kawalan mo ng prinsipyo sa buhay.
Pakatandaan: Mas makabubuti sa iyo kung ang araw mo ay magtatapos ng malinis ang iyong konsiyensiya. Mas masarap ang magiging pagtulog mo, at walang ano mang bangungot ang sa iyo ay gagambala.
Leksyon: Kung ikaw ay matatalo sa isang patas na labanan, tanggapin mo ang iyong pagkatalo ng may dignidad. Kung ikaw naman ay mananalo sa pamamagitan ng pandaraya, magiging alipin ka lamang ng katahimikan tungkol sa tunay na nangyari, at gayundin ay ang pagka-alipin mo sa walang habay na pagsisinungaling upang pagtakpan ang tunay na mga pangyayari.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment